Introducing
Your new presentation assistant.
Refine, enhance, and tailor your content, source relevant images, and edit visuals quicker than ever before.
Trending searches
JAN EDWARD ANDRE L. CHUA
GRADE 7 - GALILEO
Ang Ibong Adarna ay isang koridong naisulat sa hindi tiyak na petsa at nananatiling lihim ang may akda nito na mula sa Europa. May ilang naniniwala na si Jose dela Cruz o kilala sa sagisag na "Huseng Sisiw" ang kumatha nito ngunit wala pa itong katibayan. Mayroon ring nagsasabing ito raw ay epiko ng mga Kastila na dinala ni Miguel Lopez de Legazpi noong siya ay pumunta ng Pilipinas. Galing man ito sa Europa, ito ay isang tulang pasalaysay na bahagi na ng Panitikan at Mitolohiyang Pilipino at sinasabing naisulat noong ika-16 na siglo.
PINAGMULAN
Ang buong pamagat nito ay "Corrido at Buhay na Pinagdaanan nang Tatlong Principeng Magcacapatid na Anac nang Haring Fernando at Reina Valeriana sa Cahariang Berbania".
Sa panahon ng pananakop ng mga Kastila, ang Ibong Adarna ay nakarating sa Mehiko at kinalaunan ay nakarating sa Pilipinas. Nakarating ang korido sa Pilipinas mula sa Europa na ang layunin ng mga Kastila na mapalaganap ang Kristiyanismo sa bansa. Mula sa banyagang padron ang korido ngunit pagdating sa Pilipinas ay sinangkapan ito ng mga katutubong kaugalian upang maitanghal ang natatangi at naiibang kaligiran nito.
Ang tulang korido ay isang anyo ng tulang Espanyol na gumagamit ng sukat na wawaluhin at karaniwang may isahang tugma. Ang salitang korido ay galing sa salitang Mehikanong "corridor" na nangangahulugang "kasalukuyang pangyayari", na nagmula naman sa salitang Kastilang "occurido". Ito ay isang anyo ng tulang romansa na naglalarawan ng pakikipagsapalaran sa buhay ng mga kababalaghan at pantasya, nagpapamalas ng kagitingan, kabayanihan at pagkamaginoo.
KORIDO
Kinilalang isang mataas na uri ng libangan ang korido nang ito'y lumaganap sa Europa. Naging tanyag ito noong ika-19 na siglo hanggang ika-20 siglo. Nagsimulang maging popular ang Ibong Adarna sa Pilipinas nang ito ay isalin sa katutubong wika. Kinagawiang basahin ng mga katutubo ang korido dala na rin ng kawalan ng ibang anyo ng panitikang mababasa noong panahong iyon sanhi ng kahigpitan ng mga prayleng Kastila sa pagpapahintulot ng pagkalat ng iba't ibang uri ng akdang maaring basahin ng mga tao. Ang bawat kopya ng akda ay ipinagbibili sa peryahan na nagpapalipat-lipat sa mga bayang nagdiriwang ng pista. Ngunit marami noon ang hindi marunong bumasa kaya't iilan lang ang kopyang napalimbag. Di nagtagal ay itinanghal na ito sa mga entablado tulad ng komedya at moro-moro.
Umiinog ang tula sa magkakapatid na sina Don Juan, Don Diego, at Don Pedro na pawang nagsikap makuha ang mahiwagang Ibong Adarna na dumarapo sa puno ng Piedras Platas doon sa Bundok Tabor. Ang buhay ng mga maharlikang angkan at kaharian na taliwas sa pamumuhay ng ating bansa kaya tinangkilik ng mga katutubo ang panitikang ito.
Ang Ibong Adarna ay binubuo ng 1,056 na saknong at umabot sa 48 pahina. maraming alusyon ang ginamit na hindi lamang mula sa Europa, bagkus maging sa Gitnang Silangan. Bagaman sa unang basa'y mahihinuhang may bahid ng Kristiyanismo ang talakay ng tula na nalahukan na din ng mga konseptong gaya ng sa Budhismo at Islam, ayon na rin sa pag-aaral ni Robert T. Anonuevo.
Ang dalumat ng Ibong Adarna ay hindi nalalayo sa mga epikong bayan sa Pilipinas. Maraming ibon sa Pilipinas at gaya ng epikong Kidaman at Manobo ay marunong magsalita, may kapangyarihang manggamot, lumipad ng mataaas at tumulong sa sinumang makakapagpaamo rito. Ipinaliwanag ito nang malalim ni Anonuevo sa kaniyang akda hinggil sa dalumat ng ibon.
Hinalaw ang Ibong Adarna at isinapelikula, isinalin sa dulang panradyo, teatro, sayaw at sa kung anu-ano pang pagtatanghal. Pinakialaman din ng kung sinu-sinong editor ang nasabing korido pagsapit sa mga aklat at ang orihinal na anyo nito ay binago ang pagbaybay at sinunod ayon sa panlasa o paniniwala ng editor o publikasyon. Sa kasalukuyan, ang Ibong Adarna ang isa sa mahahalagang akda na pinag-aaralan sa mataas na paaralan alinsunod sa kurikulum na itinakda ng Kagawarang ng Edukasyon.
Ang unang pelikula tungkol sa Ibong Adarna ay ipinalabas noong Oktubre 1941 dalawang buwan bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Pasipiko. Ginawa ito ni Narcisa "Donya Sisang" de Leon ng LVN Studio na pinangunahan ni Mila del Sol bilang Prinsesa Maria, Fred Cortes bilang Prinsipe Juan at Angeles Gayoso na nagboses ng Ibong Adarna. Ang kulay ng Ibong Adarna ay maingat na ipininta sa pamamagitan ng kamay sa lahat ng eksenang kasama ang ibon. Ang karaniwang kaanyuan ng nasabing korido ay ang isinaayos na salin ni Marcelo P. Garcia noong 1949.
Makalipas ang 15 taon noong 1956, gumawa ang LVN ng pangalawang bersyon sa ilalim ng direksyon ni Manuel Conde at pinagbidahan nina Nida Blanca, Nestor de Villa, Carlos Salazar, Cecilia Lopez, Nita Javier at Jose Vergara. Ito ang unang pelikulang komersyal na Pilipino na kinunan at ipinakita ang kabuuan nito sa Eastman Color.
Ang Roda Film Productions ay gumawa ng dalawang pelikula - ang "Ibong Adarna" (1972) at ang sequel nito na "Ang Hiwaga ng Ibong Adarna" (1973) na pinagbidahan ni Philippine Comedy King Dophy at mga komedyante na sina Panchito Alba at Babalu na gumanap na tatlong prinsipe na pinalitan ng pangalang Adolfo, Albano at Alonso. Si Rosanna Ortiz naman ay gumanap bilang Ibong Adarna.
Ginawa ng Tagalog Pictures, Inc. ang pelikulang "Si Prinsipe Abante at ang Lihim ng Ibong Adarna" noong 1990 na pinagbidahan ng mga komedyanteng si Rene Requiestas bilang pinunong Prinsipe Abante, Paquito Diaz bilang Prinsipe Atras, Joaquin Fajardo bilang Prinsipe Urong-Sulong at Monica Herrera bilang Prinsesa Luningning o ang Ibong Adarna.
Noong 1996, ginawa ng Star Cinema ang pelikulang "Ang TV Movie: The Adarna Adventure". Si Jolina Magdangal ang gumanap bilang Ibong Adarna o Prinsesa Adarna. Nandun din sina Nida Blanca bilang Lola Binyang, Tirso Cruz III bilang Prinsipe Diego, Dindo Arroyo bilang Prinsipe Pedro, Gio Alvarez bilang Prinsipe Juan at Gamaliel Viray bilang Hari ng Berbanya kasama ang mga kabataan ng "Ang TV".
KOMEDYA AT PANTASIYA
Ang "Adarna: The Mythical Bird" na ipinalabas noong Disyembre 25, 1997 ay ang unang Filipino full-length animation film. Ito ay pinagbidahan muli ni Jolina Magdangal bilang boses ng Ibong Adarna kasama sina Marvin Agustin, Martin Nievera at Regine Velasquez.
Noong 2013, ginawa ng GMA Network ang isang kontemporaryong serye at pantelebisyong adaptasyon ng "Adarna". Pinagbidahan ito ni Kylie Padilla.
Ang pelikulang "Ibong Adarna: The Pinoy Adventure" ay ginawa noong 2014 na pinagbidahan nina Rocco Nacino bilang Prinsipe Sigasig, Joel Torre bilang Sultan Mabait, Angel Aquino bilang Sultana Mabunyi, Leo Martinez bilang Datu Maimbot, Benjie Paras bilang Sipsipayo, Ronnie Lazaro bilang Dulangkaw, Patricia Fernandez Bilang Diwata, Lilia Cuntapay bilang Bruha, Gary Lising bilang Nuno ng Lipi, Karen Gallman bilang Adarna at Philip "Kuhol" Supnet bilang Higante.
1). Ang korido ng Ibong Adarna ay nagsilbing inspirasyon sa iba pang manunulat at manunula upang makalikha ng iba pang obra na sumikat at naging tanyag din maging sa ibang bansa.
2). Ito ay nagpalawak sa talasalitaan ng Panitikang Pilipino dahil sa pagiging hitik nito sa malalalim at matatalinghagang salita.
3). Ang Ibong Adarna ay naging isang uri ng libangan ng mga Pilipino. Binasa, kinagiliwan at ginawan ng iba’t-ibang adaptasyon, bilang aklat, pelikula, komedya, dula sa tanghalan at tv series.
4). Naipakita nito sa mga mambabasa ang mga paniniwala, tradisyon at kaugaliang Pilipino tulad ng pagmamahal sa pamilya, paniniwala sa Diyos, pagpapatawad at marami pang iba.