Ang Kalakalang Trans-Sahara
Noong 3000 BCE, isang masaganang kalakalan ang umunlad sa pagitan ng Hilagang Africa at Kanlurang Sudan, ang rehiyon sa timog ng Sahara. Tinawag na Trans-Sahara ang kalakalang naganap dito. Ito ay tumagal hanggang ika-16 na siglo. Tinatawag itong kalakalang Trans-Sahara dahil tinawid ng mga nomadikong mangangalakal ang Sahara sa pamamagitan ng caravan, dala-dala ang iba't ibang uri ng kalakal. Komelyo ang kadalasang gamit sa mga caravan. Ang caravan ay pangkat ng mga taong magkakasamang naglalakbay.
Ang mga mangangalakal mula sa Carthage ay pumupunta sa Sahara upang mamili ng mga hayop tulad ng unggoy, leon, elepante, at mga mamahaling hiyas. Sinasabi na ang mga elepante na ginamit ni Hannibal sa Digmaang Punic laban sa Rome ay nanggaling sa Kanlurang Africa. Iba't ibang grupo ng mga tao ang nagtayo ng mga pamayanan sa mga lugar na dinaraanan ng kalakalan
Ang Pagpasok ng Islam sa Kanlurang Africa
Nang makapagtatag ng mga pamayanang Muslim sa Morocco, ang Islam ay unti-unting nakilala at kalaunan ay namayani sa mga kultura at kabihasnang nananahan sa Kanlurang Africa. Ang Islam ay pinalaganap ng mga Berber, mga mangangalakal sa Hilagang Africa. Pumupunta sila sa Kanlurang Africa upang bumili ng ginto kapalit ng mga aklat, tanso, espada, seda, kaldero, at iba pa.